"Pamamaalam" 
Maraming anyo ang pamamaalam 
Alin dito ang sa inyo, mga kaibigan 
Una 
Pagkulimlim ng liwanag sa mga sanga ng kawayan 
Hanggang makapagtago ang araw sa lilim ng buwan 
Silahis niya'y kayraming nilalakbay 
Sinusuyod ang dagat, ang bundok sinusukat 
Niyayakap na mabuti ang lawak ng siyudad 
Saka hinahaplos ang sanggol na umuusad 
Nguni ang araw, ang liwanag, ang silahis 
Naglalatag ng anino, nagkakampay ng bagwis 
Saka nagbabalik, lalong matiim, lalong maningning 
Binabago, hinuhusay, bawat bagay na datnin 
Pangalawa 
Paglisan ng alon sa tahanang baybayin 
Matapos yayain ng kalaguyong hangin 
Agay-ay niya'y maaaring mabin� 
Parang masuyong halik o magaang na dampi 
Maaaring marahas na gaya ng pangahas 
Idinadaluyong ang tubig paita�s, paita�s 
At maaari rin namang tahimik na tahimik 
Ikinukubli, inililihim ang pagkawaglit 
Subalit bumabalik sa nilisang pampang 
Nagsisisi wari sa pamamaalam 
Pangatlo 
Pagkaway ng araw upang magbagong-anyo 
Pagkalapat ng bintana at libu-libong pinto 
Ang gabi'y inihuhudyat ng kanyang paghimlay 
Saka ang mga bituin, isa-isang binubuhay 
Humahabi siya ng laksang panaginip 
Habang ikaw at ako'y nakahiga, nakapikit 
At saka sinisindihang unti-unti 
Ang dito sa puso'y sinimpang lunggati 
At kung sa paglimot ang diwa'y mabuyo 
Mawala sa landas, timbula'y maglaho 
Humaharap siya sa bagong liwanag 
Isang bagong araw ang pag-asang aalab 
Alin dito ang anyo ng inyong pag-alis 
Nagtatanong kaming kasukob ng layon at bihis 
Malulumbay kami sa inyong paglisan 
Huwag sanang mamaalam nang labis, tuluyan 

Back to List of Poems

Back to Main Page